Myopia, maaaring maranasan ng mga bata sanhi ng malabis na paggamit ng gadget, ayon sa mga eksperto
Myopia o Nearsightedness, isang kondisyon na namamana ngunit maaari nang ma-develop sanhi ng malabis na paggamit ng computer at gadgets.
Ito ang inihayag ng mga eksperto matapos ang mga pagsusuri sa ilang batang nagkaroon ng dipresensiya ang mga mata sanhi ng malabis na paggamit ng computer at gadgets.
Nakapagpapalabo umano ng mga mata ang madalas at matagal ng paggamit ng computer, cellphones at iba pang gadgets.
Paliwanag pa ng mga eksperto, ang radiation o blue light na inilalabas ng mga gadget at iba pang electronics tulad ng cell phones, computers at televisions ay nagdudulot ng malalang sakit sa mata.
Bagaman hindi umano mapapansin agad ngunit sa kinalaunan, makikita na ang lumalalang effect nito sa mga mata habang tumatanda ang isang tao.
Ang panlalabo ng mga mata ay kadalasang nagsisimula sa tuyo o nanunuyong mata.
Payo ng mga eksperto, mainam kung lilimitahan ang paggamit ng gadget upang maiwasan ang mga problema sa paningin.
Sapat na umano ang isang oras sa isang araw na paggamit ng gadgets sa mga bata upang maiwasan ang maagang panlalabo ng mga mata na maaaring mauwi sa myopia.
Ulat ni Belle Surara