N.Korea nagpakawala ng ballistic missile habang dumadalaw si Blinken sa Seoul
Nagpakawala ang North Korea ng isang ballistic missile ayon sa Seoul military, habang bumibisita si US Secretary of State Antony Blinken sa South Korea upang makipagkita sa matataas na mga opisyal at dumalo sa isang democratic summit.
Si Blinken ay nasa Seoul para sa third Summit for Democracy, isang inisyatiba ni US President Joe Biden, hosted ng South ngayong linggo, at nakatakdang makipagkita sa kaniyang Korean counterpart sa sidelines ng summit.
Noong isang linggo ay tinapos na ng pangunahing security allies na Washington at Seoul ang isa sa kanilang malalaking annual joint military training, na nagbunsod naman ng galit at ‘tit-for-tat drills’ mula sa Pyongyang.
Ayon sa Joint Chiefs of Staff, “North Korea fired an unspecified ballistic missile toward the East Sea,” na ang tinutukoy ay ang katubigan na kilala rin bilang Sea of Japan.
Kinumpirma rin ng Japan ang nasabing paglulunsad, kung saan sinabi ng Japan Coast Guard, “the objects appeared to have already fallen.”
Ang paglulunsad ay ginawa ilang araw lamang matapos ang annual Freedom Shield, na ngayong taon ay nilahukan ng dobleng bilang ng mga tropa.
Ang 11 araw nang magkasanib na pagsasanay ay naglalayong palakasin ang South Korean at American deterrence laban sa nuclear at missile threat ng North.
Sa Freedom Shield drills ay nagbabala ang Pyongyang na ang Seoul at Washington ay magbabayad ng “malaki,” at kalaunan ay inihayag na isang artillery unit ang iginiya ng kanilang lider na si Kim Jong Un na ayon dito’y may kakayahang tamaan ang kabisera ng South Korea.
Matagal nang kinondena ng North ang joint US-South military drills, at tinawag iyon na pagsasanay para sa isang pagsalakay. Nagsagawa ito ng weapons tests sa mga nakalipas bilang tugon sa mga naunang katulad na joint exercise.
Ang ballistic missile test nitong Lunes ay ang ikalawa para ngayong taon, makaraang maglunsad ang Pyongyang ng isang tipped na may isang manoeuvrable hypersonic warhead noong Enero 14.
Si Blinken ay dumating noong Linggo ng hapon bago ang democracy summit, na tatakbo mula Marso 18 hanggang 20 kung saan magtitipon-tipon ang mga opisyal ng gobyerno, NGOs at civil society members.
Ang Seoul ang isa sa pangunahing regional allies ng Washington, at ang Estados Unidos ay naglagay ng nasa 27,000 American soldiers sa South upang tumulong na proteksiyunan ito laban sa nuclear-armed North.
Pinalakas ng conservative President ng Seoul na si Yoon Suk Yeol ang ugnayan nito sa Washington, at hinangad na tapusin ang makasaysayan nilang hidwaan ng dating colonial power Japan upang maging mas mahigpit ang pagbabantay laban sa mga pagbabanta ng Pyongyang.
Ngayong taon ay idineklara ng Pyongyang ang South Korea bilang “pangunahing kalaban nito,” inalis ang mga ahensya na nakatuon sa reunification at outreach, at nagbanta ng digmaan sakaling magkaroon ng “kahit na 0.001 mm” lamang na territorial infringement.
Makikipagkita si Blinken kay South Korean Foreign Minister Cho Tae Yul, upang talakayin kung paano pang mapalalakas ang alyansa, at maghahanap pa ang Washington at Seoul ng pamamaraan upang mapagbuti ang tinatawag na “extended deterrence” laban sa North Korea.
Ang democracy summit ay umani rin ng ilang kritisismo dahil sa selective invitation list nito, dahil hindi kasama ang mga bansang ikinukonsidera ang kanilang sarili na demokratiko, gaya ng Thailand at Turkey.
Ayon kay State Department spokesperson Matthew Miller, pagkagaling sa Seoul, si Blinken ay magtutungo sa Pilipinas, isang paglalakbay na muling magpapatibay sa “hindi natitinag na commitment sa kaalyadong Pilipinas.”
Dinodoble ng Estados Unidos ang mga pagsisikap na mapabuti ang matagal nang relasyon sa mga kaalyadong rehiyon tulad ng Maynila, sa pagsisikap na ma-counterbalance ang China.