Naarestong kapwa akusado ni Senador Leila De Lima na si Jose Adrian Dera, iniharap sa media ng NBI
Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media ang isa sa mga kapwa akusado ni Senador Leila de Lima sa illegal drug trading sa Bilibid na si Jose Adrian Dera alyas Jad de Vera.
Si Dera ay naaresto ng mga tauhan ng NBI sa bahay nito sa Angeles city, Pampanga kaninang alas 5:30 ng umaga.
Nagkataon na ngayong araw din ang ika-30 kaarawan ni Dera.
Dalawang taong nang nagtatago si Dera sa mga otoridad mula nang siya kasuhan sa Korte.
Itinanggi naman ni Dera ang ipinaparatang sa kanya.
Ayon sa kanya, hindi siya bagman ni De Lima at hindi siya sangkot sa Bilibid drug trade.
Iginiit ng abogado ni Dera na si Atty Raymund Palad, asset ng PNP si Dera sa mga drug case.
Katunayan ay mayroon silang kopya ng Oath of Loyalty at Agents agreement ni Dera sa PNP.
Pinabulaanan din ni Dera na kamag-anak o alalay siya dati ni De Lima.
Kampante ang kampo ni Dera na makakalusot ito sa kaso.
Sinabi rin ng NBI na hindi kasama si Dera sa kinasuhan nila noon sa DOJ kaugnay sa drug trading sa Bilibid dahil wala silang makitang ebidensya laban dito.
Ang DOJ na lang ang nagrekomenda na kasuhan sa hukuman si Dera batay sa testimonya ng convict na Peter Co sa pagdinig noon sa Senado.
May hiwalay naman na kaso ng murder si Dera noong 2017.
Sa NBI detention facility muna si Dera habang hinihintay ang committment order mula sa Muntinlupa court.
Ulat ni Moira Encina