Nag-aalaga sa mga senior citizen isasama na rin sa A2 priority list na mabakunahan kontra COVID-19

Umabot na sa mahigit 3.6 milyong senior citizens sa bansa ang fully vaccinated na kontra COVID- 19.

Pero ang bilang na ito, malayo pa sa 8.3 milyong senior citizens na target mabakunahan ng gobyerno.

Sa ginawang survey ng Department of Health, kabilang sa mga rason kung bakit ayaw magpabakuna ng ilang nakatatanda ay dahil sa availability ng bakuna,kawalan ng tiwala o negatibong balita patungkol sa bakuna, pangamba sa posibleng side effects nito at iba pang medical reasons.

Kaya naman para mas mahikayat silang magpabakuna na kontra COVID-19,babaguhin umano ng DOH ang kanilang guidelines sa prioritization ng bakuna.

Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, tagapagsalita ng DOH, maglalabas sila ng bagong guidelines kung saan ang A2 magkakaroon na ng plus 1.

Ayon kay Vergeire, kabilang sa plus 1 na ito ay ang kasama sa bahay o kahit sinong nag-aalaga sa isang senior citizen.

Umaasa ang DOH na sa pamamagitan nito ay mapapataas ang kumpyansa ng mga senior citizen sa bakuna.

Sa datos ng DOH, pinakamataas sa mga porsyento ng tinatamaan ng COVID- 19 sa hanay ng mga matatanda ay nasa edad 60 hanggang 64.

Pinakamarami naman sa mga nasasawi ay nasa edad 65 hanggang 69 taong gulang.

Madz Moratillo

Please follow and like us: