Nagbitiw na si General Oscar Albayalde, pinakakasuhan ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng Ninja Cops controversy
Maaaring maharap sa habambuhay na pagkakabilanggo ang nagbitiw na si Philippine National Police chief Oscar Albayalde kasama ang 13 pulis na dawit sa recycling ng shabu sa Pampanga.
Inirekomenda na kasi ng Senate Blue Ribbon at Justice committee ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay Albayalde at 13 Ninja cops.
Nakapaloob ito sa draft ng 49 na pahinang report ng komite kaugnay ng ginawang imbestigasyon sa recycling ng shabu.
Sa committee report, sina Albayalde at Major Rodney Baloyo kasama ang 12 iba pa ay inirekomendang makasuhan ng paglabag sa Section 3 ng Comprehensive Dangerous Drugs law na may parusang life imprisonment, anti graft and corrupt practices act at neglect of duty.
Ibinatay aniya ang kaso sa testimonya nina dating PNP-CIDG Chief Benjamin Magalong, retired general Rudy Lacadin, mga tauhan ng Pampanga police at mga Barangay officials.
Si Lacadin ang nagpatunay sa nakaraang pagdinig na tinawagan siya ni Albayalde at umaming nakinabang sa naturang drug operations.
Bagamat wala aniyang direktang ebidensya na magpapatunay na nakinabang si Albayalde, malinaw sa mga ebidensya na may alam ito sa nangyaring hulidap.
Katunayan, prinotektahan nito ang mga tauhan at hinarang ang dismissal order laban sa mga Ninja cops.
Ulat ni Meanne Corvera