NAIA handa na sa dagsa ng pasahero sa nalalapit na holiday at summer vacation
Unti-unti nang dumarami sa mga nakalipas na araw ang bilang ng mga pasahero na dumarating at umaalis sa NAIA.
Ito ay sa harap ng mas mababang COVID alert level, pagbubukas ng bansa sa foreign tourists, at ang nalalapit na Holy Week ng mga Katoliko.
Sa datos ng Manila International Airport Authority at Bureau of Immigration, 13,000 hanggang 15,000 ang average na passenger arrivals sa paliparan mula noong nakaraang linggo kumpara sa 6,000 hanggang 9,000 noong Marso.
Nitong Huwebes ng umaga, nag-ikot sa Terminals 3 at 4 si MIAA General Manager Ed Monreal para inspeksyunin ang sitwasyon sa lugar at ang kahandaan ng mga tauhan ng paliparan ilang araw bago ang Lenten Season ng mga Katoliko.
Mas pinaigting ang seguridad at passenger assistance sa NAIA na magtatagal hanggang sa Mayo sa ilalim ng MIAA Oplan Biyahe Ayos.
Tiniyak ni Monreal na handang-handa na ang NAIA sa inaasahang dagsa ng mga pasahero sa mga susunod na araw bunsod ng holiday at summer vacation.
Sa tala ng MIAA noong 2019 o bago ang pandemya, umabot sa mahigit 890,000 ang kabuuang international arrivals at departures habang nasa seven hundred ninety thousand ang domestic passengers sa panahon ng Semana Santa ng mga Katoliko.
Ayon pa kay Monreal, halos 100% ng 6,000 tauhan ng MIAA ang nagtatrabaho na on-site at may iilan na lang ang work-from-home upang matiyak ang maayos na operasyon sa paliparan.
Kaugnay nito, walang bakasyon ang mga tauhan ng Bureau of Immigration sa NAIA at iba pang major airports mula April 7 hanggang 15 upang may sapat na tauhan na aagapay sa maraming biyahero na darating at uuwi bago at pagkatapos ng long holiday.
Moira Encina