NAIA Terminal 4, binuksan muli sa domestic flights
Dagsa muli sa NAIA Terminal 4 ang mga magbabakasyon sa mga probinsya matapos
na ibalik ang domestic flights sa nasabing terminal simula ngayong Marso 28.
Sarado sa loob ng dalawang taon ang Terminal 4 dahil sa pandemya.
Kabilang sa mga airlines na nag-operate muli sa Terminal 4 ang AirAsia Philippines, Air Swift, at CebGo.
Nag-ikot sa terminal si Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal para obserbahan ang reopening ng domestic operations doon.
Masaya naman ang opisyal dahil sa naging maayos ang unang araw ng muling pagbubukas ng T4 at sumisigla na muli ang lokal na turismo.
Binuksan muli ang Terminal 4 dahil sa inaasahang dagsa ng mga pasahero na magbabakasyon ngayong panahon ng tag-init at pagluluwag ng COVID 19 travel restrictions.
Sinabi ni Monreal na malaking tulong ang reopening ng T4 para mabawasan ang mga pasahero sa Terminal 3 kung saan naroon ang international flights.
Sa datos ng MIAA, umaabot sa 93 flights na may tinatayang 12,000 pasahero ang inaasahang aalis at dadating sa NAIA Terminal 4 ngayong Lunes.
Sa unang tatlong buwan ng 2022, nakapagtala na ang NAIA ng mahigit na 22,000 domestic flights.
Pinaalalahanan naman ng MIAA ang mga pasahero na huwag kalimutan na dalhin ang kanilang vaccination pass bilang patunay na fully-vaccinated na ang mga ito.
Pinayuhan din ng AirAsia Philippines ang mga pasahero na sundin pa rin ang health at safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask.
Umapela din si Monreal sa mga biyahero na huwag maging kampante sa COVID para magtuluy-tuloy na ang pagsigla ng ekonomiya.
Moira Encina