Naitalang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa bansa, umakyat na sa 4
Umakyat na sa 4 ang naitalang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire, ito ay isang 38 anyos na babae na mula sa Estados Unidos.
Dumating siya sa bansa sakay ng Philippines Airlines Flight PR 127 noong December 10.
Pagdating sa bansa, nakaprisinta naman umano ito ng negative pre departure PCR wab na ginawa noong December 7.
Agad naman siyang sumailalim sa quarantine mula sa airport.
Noong December 13, nakaramdam ito ng pangangati ng lalamunan at sipon habang naka-quarantine.
December 14 ay isinailalim siya sa swab test, at kinabukasan, lumabas ang resulta na positibo siya sa virus kaya agad siyang inilipat sa isang isolation facility.
Noong December 24, nadischarge na ito sa isolation facility , asymptomatic na rin ito at walang sintomas ng virus.
Sa kasalukuyan ay naka home quarantine ito, at bukas ay muli aniya itong isasalang sa swab test.
Sa imbestigasyon ng DOH, bago ang biyahe pauwi sa Pilipinas, nagkaroon pa umano ng exposure sa kanyang mga kaibigan ang nasabing Omicron case.
Ang kaso na ito ay mula sa 46 samples na isinailalim sa sequencing ng Philippine Genome Center.
Sa datos mula sa DOH, ang Omicron ay kalat na sa 115 bansa kung saan 51 ang nakita ng suspected at mga kaso ng local transmission ng nasabing variant.
Samantala, may natukoy ring 38 Delta variant ang PGC mula sa 46 samples na kanilang sinuri.
Madz Moratillo