Nakangiwi ka ba kapag ngumingiti?
Paano nga ba malalaman ang ngiti ng isang healthy ang ngipin? Gawin nating halimbawa ang mga kandidata ng beauty pageant. Hindi n’yo ba napapansin ang lalaki ng ngiti nila, punong-puno ang bibig ng ngipin.
Ang hitsura ng healthy smile ay nakadikit sa pisngi ang mga ngipin, right and left, walang space, walang pasilyo, talagang punong-puno. Kapag ngumiti ay kita hanggang bagang, ito ang simbolismo ng healthy smile.
Ang scientific smile, fill the mouth from side to side. Makikita ang ganitong ngiti sa mga kandidata ng beauty pageant o mga singer.
Paano malalaman kung may problema o hindi healthy? Ito po ang dapat ninyong tandaan, hindi komo maganda ang mga ngipin, maputi ang ngipin, walang tooth decay ay healthy na? Tingnan n’yo rin ang pagngiti baka makitid. Pag ngumiti may pasilyo. Ang labi at pisngi hindi nakadikit sa ngipin, may corridor, right and left. ‘Yung iba minsan sa kanan lang o sa kaliwa may corridor. Kapag ganito, hindi tama ang sukat, maliit ang ngalangala o maliit ang panga.
At dahil may puwang sa magkabilang gilid, hindi pantay ang ngiti, kulang ang ngiti. Pero nagagawan naman ito ng paraan ng functional dentist. Ang gagawin i-expand ang ngalangala para dumikit sa pisngi.
Sa ngiti pa lang makikita na kung mali ang tubo ng mga ngipin. Kung crossbite, ito ‘yung ngipin hindi pasok sa ngalangala, hindi nakabuka kaya maraming pwedeng maging sakit. At kapag ganito, ang ngiti ay tabingi, ngiwi.
Nagkakaron din ng epekto sa kilay, ilong, leeg, balikat, at mata. Dapat pantay ang ngiti, di dpat mataas ang anggulo ng ngiti hindi tabingi.
Kaya nga sa evaluation ng kalusugan dapat kasama ang mga ngipin. Kapag punung-puno ang ngiti, nagpapakita ito ng self-confidence. Humarap sa salamin, kapag ngiwi ang iyong ngiti may problema sa oral health.