Nangyaring karahasan sa Maguindanao, epekto umano ng kahirapang dulot ng Covid-19
Ang matinding kahirapan umano na dulot ng Covid-19 at hindi Failure of Intelligence ang nagtulak sa mga rebelde para maglunsad ng pag-atake sa Maguindanao.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang palawigin ang termino ng mga opisyal ng BANGSAMORO AUTONOMOUS REGION IN MUSLIM MINDANAO (BARMM), sinabi ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Carlito Galvez na maraming plantasyon sa Maguindanao ang nagsara dahil sa Pandemya.
Dahil dito, nawalan aniya ng trabaho at pagkakakitaan ang mayorya ng mga residente at marami sa kanila ang dumadaing ng gutom.
Sa datos ni Senador Juan Miguel Zubiri, aabot sa 1,500 na mga empleyado ng banana at pineapple plantation ang nawalan ng trabaho na dating mga miyembro ng Moro Ismalic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Sabi ni Galvez, sinamantala aniya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sitwasyon para mag-recruit at maglunsad ng mga pag-atake.
Pero sinabi ng kalihim na ginagawa naman ng Gobyerno ang lahat ng paraan para hindi na bumalik sa pakikipag-alyansa sa mga rebelde ang mga residente at pakikidigma laban sa Gobyerno.
Kasama na aniya rito ang pagbibigay ng bakuna sa lahat ng mga nasa priority list sa BARMM.
Meanne Corvera