Nankai Trough megaquake advisory ng Japan, ano ang mga dapat malaman
Naglabas ang Japan ng kauna-unahan nilang advisory sa mas mataas kaysa sa karaniwang panganib ng isang megaquake, matapos ang malakas na magnitude-7.1 na lindol noong Huwebes sa gilid ng isang umuugang seabed zone sa baybayin ng Pasipiko na kilala bilang Nankai Trough.
Ang isang posibleng Nankai Trough megaquake at tsunami disaster ay maaaring pumatay ng daang libong katao, at magdulot ng isang ‘trillion-dollar damage’ sa Japan.
Sinabi ng Nankai Trough quake advisory panel ng Japan Meteorological Agency, na ang tyansa ng isang mas malaking lindol na tatama pagkatapos ng magnitude 7 na pagyanig ay masasabing “once in a few hundred cases.” Ang mga lindol na may magnitude na mas malaki sa 8 ay itinuturing nang megaquakes.
Sa pagtaya ng Japan, ang susunod na Nankai Trough megaquake ay maaaring maging sinlakas ng magnitude 9.1.
Sa isang press conference ay sinabi ni University of Tokyo professor Naoshi Hirata, na siyang chairman ng panel, “Residents in areas that would be hit by such a disaster should review evacuation procedures and stay vigilant for a week.”
Ang Japan ay isa sa “most earthquake-prone” countries sa buong mundo dahil sa lokasyon nito sa Pacific “Ring of Fire” arc ng mga bulkan at oceanic trenches.
Noong 2011, mahigit sa 15,000 katao ang namatay sa isang magnitude 9 na lindol sa northeast Japan na nag-trigger sa isang tsunami at pag-meltdown ng triple reactor at isang nuclear power plant.
Ang Nankai Trough ay nasa labas ng timog-kanlurang baybayin ng Pasipiko at may haba na humigit-kumulang 900 km (600 milya), kung saan ang Philippine Sea Plate ay bumababa sa ilalim ng Eurasian Plate at ang akumulasyon ng tectonic strains ay maaaring magresulta sa isang megaquake halos isang beses tuwing 100 – 150 taon.
Una nang hinulaan ng Japanese government ang isang 70-80% na tyansa ng isang magnitude 8–9 na lindol na mangyayari sa kahabaan ng Trough sa susunod na 30 taon.
Ang magnitude ng isang lindol ay nauugnay sa haba ng fault kung saan ito nangyayari, ayon sa United States Geological Survey. Ang pinakamalaking lindol na naitala ay isang magnitude 9.5 noong Mayo 22, 1960 sa Chile sa isang fault na halos 1,600 km (1,000 milya) ang haba.
Ang isang megaquake ay maaaring magresulta sa maximum measurable tremors sa mga lugar mula sa central Shizuoka – may 150 km (93 milya) sa timog ng kabiserang Tokyo, hanggang sa timog-kanluran ng Miyazaki.
Ang tsunami waves na hanggang 30 metro (98 talampakan) ay maaaring umabot sa mga baybayin ng Pasipiko ng Japan sa loob ng ilang minuto pagkatapos ng lindol, depende sa sentro nito at sitwasyon ng alon.
Kung may kaakibat na pagguho ng lupa at sunog, ang sakuna ay inaasahang magiging sanhi ng kamatayan ng hanggang 323,000 katao, sisira sa 2.38 milyong gusali, at pupuwersa sa halos 10 milyong survivors na lumikas.
Ang pinsala sa ekonomiya ay maaaring umabot ng hanggang 220 trilyong yen ($1.50 trilyon), o higit sa ikatlong bahagi ng taunang gross domestic product ng Japan, na may pangmatagalang epekto sa imprastraktura at mga supply chain para sa mga coastal industrial powerhouse, na gumagawa ng mga kotse at iba pang pangunahing produkto ng Japan.
Sa kasaysayan, ang mga lindol sa Nankai Trough ay naitala sa maraming pagkakataon mula noong 684, kadalasan ay may mga ulat ng tsunami na tumama sa mga nayon sa baybayin.
Ang pinakahuling lindol sa Nankai Trough ay nangyari noong 1946, nang ang isang magnitude-8 na pagyanig at 6.9-metrong (22.6-talampakang) tsunami wave ay ikinamatay ng 1,330 katao.