Napipintong pagtaas sa presyo ng agri products, inaksiyunan ng DA
Kumilos na ang Department of Agriculture (DA), upang mapigilan ang posibleng pagtaas sa presyo ng mga produktong agrikultura dahil sa kakulangan ng suplay nito sa Metro Manila.
Sinabi ni DA Secretary William Dar, na maaaring tugunan ng ibang rehiyon na hindi naman naapektuhan ng bagyong Maring, ang pangangailangan sa Metro Manila.
Nilinaw din niya na bagama’t may kabagalan ang dating ng mga produkto sa kalakhang Maynila, ay wala pa silang namo-monitor na paggalaw sa presyo.
Batay sa datos, nasa 2.14 billion pesos ang halaga ng iniwang pinsala ng bagyo sa agrikultura sa Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at SOCCSKSARGEN.
Nasa 76,442 mga magsasaka at mangingisda naman ang naapektuhan ng kalamidad, kung saan nakapagtala ng 101,818 metric tons production loss, habang 85,744 ektarya ng agricultural areas ang nasira.
Kabilang sa mga nasirang pananim ay palay, mais, at high-value crops.
Nasira rin ang ang mga irigasyon at agri-facilities, livestock at fisheries.