Nasawi sa bagyong Paeng, ibinaba sa 45 mula sa naunang iniulat na 72
Itinuwid ng Pilipinas ang napaunang ulat na 72 ang nasawi sa bagyong Paeng na kasalukuyang nananalasa ngayon sa bansa, sa pagsasabing 45 katao lamang ang namatay.
Aminado ang Civil defence officials na nagkamali sa pag-uulat ang rescue teams na ipinadala sa timugang bahagi ng bansa na nakaranas ng mga pagbaha, kung saan ang ilan sa nasawi ay nabilang ng doble.
Sinabi ni Naguib Sinarimbo, tagapagsalita at civil defence chief para sa southern region, “When we consolidated the reports at 6:00 am today we realised there were only 40 dead, 31 injured and 15 missing.”
Kinumpirma rin ni National civil defence chief Rafaelito Alejandro ang mas mababang bilang sa isang news conference sa Maynila, sa pagsasabing 40 katawan lamang ang narekober mula sa southern region ng Mindanao, habang limang iba pa ang nasawi rin sa iba pang bahagi ng bansa.
Una nang iniulat ng civil defence office, na 72 ang namatay, 14 ang nawawala at 33 ang nasaktan bunsod ng bagyong Paeng.
Sinabi ni Alejandro, na ang death toll ay binawasan makaraang magsagawa ng “validation” ang mga lokal na opisyal.
Ang bagyong Paeng na may international name na Nalgae, ay nananalasa ngayong Sabado sa isla ng Luzon, taglay ang lakas ng hangin na 95 kilometro o 59 milya bawat oras, isang oras matapos ang unang landfall kaninang madaling araw.
© Agence France-Presse