Nasawi sa baha sa Venezuela, umakyat na sa walo
Umakyat na sa walo ang bilang ng mga nasawi matapos tangayin ng baha, habang nagpapatuloy naman ang paghahanap sa dalawa pang nawawala.
Nasa 40 miyembro ng isang religious organization ang nagkakatipon sa Tachira state noong Biyernes, nang bumaha dahil sa malalakas na pag-ulan.
Sinabi ni state governor Freddy Bernal, na ilan sa kanila ang naliligo sa ilog nang bumagsak ang ulan sanhi para tumaas ang lebel ng tubig at tangayin ang mga ito.
Apat sa mga nasawi ay nasa pagitan ng edad 12 at 17, ayon sa ulat ng pulisya, habang ang iba ay nasa pagitan ng edad 19 at 25.
Ayon kay Bernal, nagpapatuloy pa ang paghahanap sa dalawang nawawala.
Nangyari ang insidente sa siyudad ng Lobatera, halos 31 kilometro (19 milya) mula sa San Cristobal, kapitolyo ng Tachira, isang rehiyon sa Andes Mountains sa border ng Colombia na sikat sa mga turista.
Sinabi naman ni police chief Yesnardo Canal, na nagsagawa ng search operations ang mga awtoridad sa 12 kilometro (7 milya) ng kahabaan ng ilog, sa lugar kung saan nila tinatayang tinangay ng agos ang mga biktima.
Ayon sa mga opisyal, ngayong taon, ang Venezuela ay nakaranas ng “above-average” na mga pag-ulan na puminsala na ng ilang rehiyon.
Iniugnay naman ng tagapagsalita ng gobyerno ang malalakas na pag-ulan sa La Nina weather phenomenon, na aniya’y sanhi ng isang thermal anomaly sa equatorial surface waters ng Pacific Ocean.
© Agence France-Presse