Nasawi sa nangyaring landslide sa garbage dump sa Uganda, umakyat na sa 21
Umakyat na sa 21 ang bilang ng mga namatay sa nangyaring landslide sa malawak na dump site sa Kampala, kapitolyo ng Uganda habang patuloy pa sa paghahanap ng survivors ang rescue workers.
Matapos ang malakas na ulan nitong mga nakaraang linggo, gumuho ang isang malaking bunton ng basura sa nag-iisang landfill site ng lungsod noong Biyernes, na dumurog at tumabon sa mga tahanan sa gilid ng site habang natutulog ang mga residente.
Sa isang pahayag ay sinabi ni President Yoweri Museveni, na inatasan na niya ang prime minister na pangasiwaan ang pag-aalis sa lahat ng mga nakatira malapit sa dump site.
People gather as volunteers search to retrieve the bodies of residents killed by a landslide due to heavy rainfall in a landfill known as Kiteezi that serves as garbage dumping site, in the Lusanja village, outside Kampala, Uganda August 10, 2024. REUTERS/Abubaker Lubowa
Sinabi ng Inspectorate of Government, na sinimulan na rin ng gobyerno ang imbestigasyon sa sanhi ng landslide, at gagawa ng hakbang laban sa sinumang opisyal na mapatutunayang may kapabayaan.
Ayon naman kay police spokesperson Patrick Onyango, hindi bababa sa 14 na katao ang nailigtas, ngunit maaari aniyang marami pa ang na-trap.
Samantala, nagtayo na ng mga tent para sa mga nadisplace dahil sa landslide, ayon sa Red Cross.
Ang landfill site, na kilala sa tawag na Kiteezi, ang nag-iisang garbage dump ng Kampala sa loob ng marami nang dekada na naging isa nang malaking bundok ng basura.
Volunteers carry the body of a man killed by a landslide due to heavy rainfall in a landfill known as Kiteezi that serves as garbage dumping site, in the Lusanja village, outside Kampala, Uganda August 10, 2024. REUTERS/Abubaker Lubowa
Matagal nang nagrereklamo ang mga residente sa mapanganib na mga basurang nagiging sanhi ng polusyon sa kapaligiran, at nagiging banta sa mga residente.
Ang pagsisikap ng mga awtoridad ng lungsod na makakuha ng bagong landfill site ay tumagal na ng maraming taon.
Nagkaroon na rin ng mga katulad na trahedya sa ibang lugar sa Africa sanhi ng hindi maayos na pangangasiwa sa mga bundok ng basura.
Noong 2017, hindi bababa sa 115 katao ang namatay sa Ethiopia, dahil sa nangyaring landslide sa Addis Ababa, habang sa Mozambique naman ay 17 katao ang namatay sa katulad na sakuna noong 2018 sa Maputo.