National Dengue alert, idineklara ng DOH….Code Blue alert, itinaas na ng DOH
Sa kauna-unahang pagkakataon idineklara ng Department of Health (DOH) ang National Dengue alert sa bansa.
Kasunod ito ng mabilis na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa ilang rehiyon sa bansa.
Ayon kay Health secretary Francisco Duque III, lumagpas na epidemic threshold ang mga naitalang kaso ng dengue sa Western Visayas na may 13,164 dengue cases; Calabarzon- 11,474; Central Visayas- 9,199; Soccsksargen-9,107, at Northern Mindanao na may 8,739 cases.
Habang ilang rehiyon naman ang lumagpas na sa alert threshold ng DOH…..ito ay sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Cordillera Administrative region.
Sa pinakahuling datos ng DOH mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay nasa 450 na ang naitalang nasawi dahil sa dengue habang umabot naman sa 106, 630 naman ang dengue cases na mas mataas kaysa 57, 564 dengue cases na kanilang naitala sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Duque na walang epidemya ng dengue sa buong bansa dahil ito ay regional lamang.
Kaugnay nito, itinaas na ng DOH sa code blue alert ang sitwasyon sa mga nasabing lugar.
Mahigpit din ang paalala ng DOH lalo sa mga magulang na huwag ng hintaying lumala pa ang sakit ng anak bago ito dalhin sa doktor.
Wala pa ring gamot o bakuna kontra dengue sa ngayon kaya paalala ng DOH sa publiko laging gawin ang 4S strategy kontra dengue o ang Search and Destroy ng mga pinangingitlugan ng lamok na may dalang dengue, Self-protection gaya ng panggamit ng insect repellant at pagsuot ng mahabang damit, Seek early consultation o pagpapakonsulta sa manggagamot sa unang sintomas palang at Say yes to fogging kung may outbreak ng dengue sa lugar.
Ulat ni Madelyn Moratillo