National Food Security plan, bubuuin sa isasagawang Food Security summit
Pangungunahan ng Department of Agriculture (DA) ang isasagawang Food Security Summit.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, pangunahing agenda ng Food Security Summit ay tugunan ang mga problemang bumabalot sa Agricultural sector partikular ang problema sa pagtaas sa presyo ng karneng baboy, pananalasa ng African Swine Fever (ASF) at ang mababang farm gate price ng palay.
Ayon kay Roque, sa pamamagitan ng Food Security Summit ay bubuuin ang National Food Security Plan upang masiguro ang sapat na supply ng pagkain sa bansa sa lahat ng pagkakataon bilang bahagi ng Whole of the Government approach ng Duterte Administration.
Inihayag ni Roque nais ng Malakanyang na palakasin din ang papel na gagampanan ng mga Local Government Units (LGU’s) sa pamamagitan ng Local Price Coordinating Council at Regional Development Council upang mabantayan ang galaw ng presyo ng mga pagkain sa bansa.
Niliwanag ng Malakanyang na pansamantalang lunas lamang ang pagpapatupad ng price ceiling sa National Capital Region o NCR sa karne ng baboy at manok sa pamamagitan ng Executive Order 124 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatagal lamang ng 60 araw.
Vic Somintac