National ID, panimula sa paperless transactions

Photo courtesy of pna.gov.ph

Kabilang na ngayon ang Pilipinas sa mga bansang may national identification system, na magbibigay daan sa digitalization at mas mabuting serbisyo.

Sa pinakahuling post ng Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi nito na dahil mas marami nang Filipino ang nag-a-apply para sa Philippine Identification (PhilID) card sa registration centers sa buong bansa, sa lalong madaling panahon ang Pilipinas ay ganap nang magpapatupad ng paperless transactions.

Ang national ID ay gagamitin din sa mga opisyal na rehistro at pagsubaybay ng medical records at health information.

Target ng Philippine Identification System (PhilSys), na mai-proseso ang registration ng nasa 50 milyong Filipinos sa pagtatapos ng 2021 at hanggang sa 70 milyon pagdating ng 2022.

Sa datos ng PSA hanggang noong November 10, 40,264,550 na ang kanilang naiproseso.

Sa ngayon, ginagamit na ng ilang ahensiya ang PhilSys para madaling matunton kung sino ang kwalipikadong bigyan ng tulong, kaya hininikayat na kumuha ng national ID yaong mga nabibilang sa “low-income families.”

Nilagdaan upang maging batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong August 2018, ang Republic Act 11055, o Philippine Identification System Act, ay naglalayong magtatag ng iisang national ID para sa lahat ng Filipinos at resident aliens.

Ang pambansang ID ay dapat na maging isang wastong patunay ng pagkakakilanlan, na magiging isang paraan ng pagpapasimple ng mga pampubliko at pribadong transaksyon, pagpapatala sa mga paaralan, at pagbubukas ng mga bank account.

Nilalayon din nitong palakasin ang kahusayan, lalo na ang may kinalaman sa mga serbisyo ng gobyerno kung saan kailangan na lamang ng mga tao na magpakita ng isang ID sa panahon ng mga transaksyon.

Please follow and like us: