National Jail Decongestion Summit isasagawa sa Disyembre
Magsasama-sama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno mula sa sektor ng hustisya para sa dalawang araw na National Jail Decongestion Summit sa Disyembre.
Ayon sa Justice Sector Coordinating Council (JSCC), layon ng summit sa December 6 at 7 na maresolba na ang matagal ng problema ng sobrang siksikan sa mga kulungan sa bansa.
Ang JSCC ay binubuo ng Korte Suprema, Department of Justice (DOJ), at Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa tala ng JSCC, nasa 386% ang overcrowding rate sa mga piitan sa bansa.
Pangunahing pakay ng pagtitipon ay matugunan ang ugat ng overpopulation at maipatupad ang mga epektibong hakbangin upang maibsan ang mga problema sa correctional systems ng bansa.
Dadalo sa summit sina Chief Justice Alexander Gesmundo, Justice Secretary Crispin Remulla at Interior Secretary Benjamin Abalos Jr, mga legal expert, advocacy groups at mga kinatawan ng iba’t ibang kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Bumisita kamakailan si Gesmundo sa mga person deprived of liberty (PDL) sa medium security camp sa New Bilibid Prison at sa Pasay City Jail bilang pag-obserba ss 28th National Correctional Consciousness Week.
Aminado ang punong mahistrado sa mga hirap na dinadanas ng PDLs dahil sa mga kakulangan ng mga pasilidad at espasyo sa mga kulungan.
Moira Encina