National QR Code Standard o QR Ph para sa digital payment, ilulunsad ng BSP
Nakatakdang ilunsad ngayong araw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang QR Ph Person-to-Merchant digital payment stream.
Bahagi ito ng mga inisyatiba ng BSP para isulong ang payments digitalization lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon sa BSP, ang National QR Code Standard o QR Ph ay magbibigay ng madali at murang paraan ng pagbabayad para sa mga maliliit o pangmaramihang transaksyon.
Sa ilalim ng QR Ph, hindi na kailangan ng mga mamimili ng magkaroon ng mga hiwalay na accounts para sa magkakaibang payment service providers.
Ang store owners naman ay hindi na kailangan na maglagay ng maraming QR code standees sa kanilang establisyimento.
Isa pang benepisyo ng QR Ph sa mga nagtitinda ay hindi na kailangang mamuhunan ng mga ito sa mahal na point-of-sale (POS) terminals.
Makikinabang din anila sa QR Ph Payment-to-Merchant ang mga tricycle drivers, tindero o tindera sa palengke, mga may-ari ng sari-sari store at iba pang maliliit na negosyo.
Sinabi pa ng BSP na hindi na magiging problema ang panukli dahil maari nang magbayad ang customer ng eksaktong halaga.
Moira Encina