National Science and Technology week at Regional Science and Technology week, ipinagdiwang sa buong bansa

 

Ipinagdiwang sa buong bansa ang National Science and Technology week at Regional Science and Technology week na idinaos sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.

Ang pagdiriwang ay sa bisa ng Proklamasyon no. 169 noong 1993.

Nilalayon nito na kilalanin ang kontribusyon ng siyensiya at teknolohiya sa pag-unlad ng bansa at makakuha ng suporta mula sa publiko at pribadong institusyon para sa tuloy – tuloy na paglago.

Ang mga aktibidad kaugnay ng selebrasyon ay pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST) sa bawat rehiyon.

Sa taong ito ang naging tema ay “Science for the People: Innovation for Collective Prosperity.”

Sa pagtatapos ng naturang selebrasyon, muling binigyang-diin ang mga isyung may kinalaman sa aspetong pangkalusugan, pang agrikultura, pang industriya, at higit sa lahat ay nauukol sa agham at teknolohiya.

Sa Region 4-A Calabarzon, isinagawa ang opening ceremony sa Quezon Convention Center sa Lucena city.

Panauhing tagapagsalita si DOST Sec. Fortunato Dela Peña at sa kanyang welcome remarks, inilahad niya ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Science and Technology week.

Binanggit din niya na pinarangalan ng National Nutrition Council o NNC ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon dahil sa kanilang programa na paglaban sa malnutrition problem.

Bukod dito, sinabi rin ni Dela Peña na ipinagmamalaki din ng Region 4-A ang kanilang Agri -mechanization program na tunay umanong kailangan ng mga magsasaka upang tumaas ang produksyon ng kanilang aning palay.

Malaki umano ang maitutulong nito sa pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa naturang rehiyon.

Sec. Dela Peña:

“Na-inspire po kami sa mga pahayag ng Pangulo na gusto niya talaga na mabawasan ang hindi pagkakapantay – pantay sa ating society, bagamat ang Calabarzon ay isa sa may pinakamataas na per capita income at gross domestic product, kung titingnan natin dahil sa Calabarzon kung iko-compare sa mga lokal na probinsiya sa Calabarzon o kaya ay sa mga bayan within the provinces of Calabarzon makikita ninyo ang malaking pagkakaiba”.

Sinabi naman ni Dr. Alexander Madrigal, Regional Director ng DOST-Calabarzon na bahagi ng pagdiriwang ay ang pagbubukas ng Provincial Science and Technology center at Center for Hazard and Environmental Resource mapping service laboratory sa Quezon.

Bukod dito, isinagawa din ang paglagda sa Memorandum of Agreement para sa pagtatayo ng tsunami early warning system sa Pacific grid ng naturang rehiyon.

Sinasakop nito ang mga bayan sa Quezon tulad ng Jomalig, Panukulan, at ang baybayin sa bayan ng Calauag.

Itinampok din sa nasabing aktibidad ang paglulunsad ng Macapuno island products, ang pagpaparangal sa best small enterprise technology upgrade program o set up at ang community based program adaptors sa Quezon Convention center sa Lucena city.

Samantala, sa National Capital Region (NCR), ginanap ang selebrasyon sa Universidad de Manila, sa Region 1 sa Alaminos city, Pangasinan, sa Region 2 ay sa Gonzaga, Cagayan sa Region 3 ay sa Tarlac city, sa Region 4-A o Calabarzon ay sa Antipolo city, Rizal at sa Lucena.

Sa Region 4-B naman ay sa San Jose, Occidental Mindoro, sa Region 6 ay Roxas city, Capiz, sa region 7 ay Tagbilaran city, Bohol, sa region 8 ay Catbalogan, Samar, sa region 9 ay sa San Miguel, Zamboanga del Sur, sa Region 10 ay sa Malaybalay city, Bukidnon, sa Region 11 naman ay sa Davao city at sa Region 12 ay sa Koronadal city.

 

Ulat ni Belle Surara

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *