National task force nagpaliwanag sa pagkakaantala sa pagbili ng anti COVID-19 vaccine ng mga LGU’s at pribadong sector
Ipinaliwanag ng National Task Force Against COVID 19 o NTF kung bakit hindi pa nalalagdaan o nananatiling naka-hold ang mga isinumiteng Multi Party Agreements o MPA ng mga Local Government Units o LGU’s at private sector para sa pagbili ng anti COVID-19 vaccines.
Ayon kay NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. pansamantalang nabinbin ang pagpirma sa mga MPA dahil sa mga sumusunod na kadahilanan.
Una ang Moderna at AstraZeneca ay hindi na tumatanggap ng vaccine orders sa pamamagitan ng Multi Party Agreements sa kasalukuyan.
Ikalawa ang Novavax vaccine ay hindi pa nakata-tanggap ng Emergency Use Authorization o EUA mula sa Food and Drug Administration o FDA ng bansa.
Ikatlo ang mga kumpanya ng Sinovac, Pfizer, at Sputnik V ay mas binibigyang prayoridad ang order ng National Government lalo’t maraming hamon o balakid na nararanasan sa kasalukuyan sa pandaigdigang supply ng anti COVID 19 vaccine.
Sinabi ni Secretary Galvez ang COVAXIN naman ng Bharat Biotech ay hindi pa nakakakuha ng pahintulot mula sa Health Technology Assessment Council o HTAC.
Inihayag ni Galvez ang Johnson and Johnson naman ay hindi pa tumatanggap ng Multi Party Agreement.
Niliwanag ni Galvez ang pagbili ng Pilipinas ng anti COVID 19 vaccine ay nananatiling naka-depende sa global supply.
Binigyang diin ni Galvez ang NTF ay hindi tumitigil sa pakikipag-ugnayan sa mga vaccine manufacturers sa kabila ng limitasyon ng supply ng mga bakuna.
Vic Somintac