National Youth Commission, naglunsad ng info-commercials kaugnay ng kanilang kampanya kontra HIV
Naglunsad ang National Youth Commission ng info-commercials na may kinalaman sa kanilang kampanya kontra HIV.
Sa Panayam ng Programang Sabi ni Nanay, Sabi ni Tatay, sinabi ni NYC Chairperson Aiza Seguerra na makatutulong ang naturang mga patalastas para lalong pag-ibayuhin ang information drive laban sa naturang sakit.
Sa kasalukuyan, maituturing pa ring nasa “looming epidemic” stage ang HIV sa bansa dahil sa dumaraming kaso na naitatala lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay Seguerra, lalong nakababahala na sa iba’t ibang pag-aaral sa bansa, napatunayang 28 Pilipino ang nada-diagnose na may HIV kada araw kung saan 24 dito ang nasa youth bracket.
Dahil dito, hinimok ni Seguerra ang mga guro at mga magulang na maging katuwang nila para sa naturang kampanya.
Binigyang-diin pa ni Seguerra na ang tamang paglaban sa “stigma” ng HIV ay ang matamang pagpapaliwanag sa mga kabataan ng safe sex bago sila tumuntong sa puberty period.