NATO membership bid, isusumite na ng Sweden at Finland sa Miyerkoles
Inanunsiyo ng Finland at Sweden, na magkasama nilang isusumite ngayong Miyerkoles ang kanilang aplikasyon para sumanib sa NATO, sa kabila ng banta ng Turkey na haharangin ang pagpapalawak ng naturang alyansang militar.
Sa isang joint press conference kasama si Finnish President Sauli Niinisto, sinabi ni Swedish Prime Minister Magdalena Anderson . . . “I’m happy we have taken the same path and we can do it together.”
Ang Finland, na may 1,300-kilometre (800-mile) border share sa Russia at Sweden, ay nataranta sa pagsalakay ng Moscow sa Ukraine.
Ang kanilang mga aplikasyon ang tatapos sa maraming dekada nang military non-alignment, para sumanib sa alyansa bilang depensa laban sa pinangangambahang pagsalakay mula sa Russia.
Nitong Lunes ay nagbabala si Russian President Vladimir Putin, na ang expansion ng NATO ay maaaring magbunsod ng pagganti mula sa Moscow.
Subali’t ang pangunahing problema sa membership bid ng Finland at Sweden ay nagmumula mismo sa loob ng alyansa, sa kabila ng paulit-ulit na pagsasabi ni NATO Secretary General Jens Stoltenberg na ang dalawang bansa ay maluwag na tatanggapin.
Anomang aplikasyon ay dapat na nagkakaisang aprubahan ng 30 miyembro ng NATO.
Inakusahan ng Turkey ang Sweden at Finland na umaakto bilang isang ‘hotbed’ para sa mga grupong terorista, at iginiit ng pangulo nito na hindi aaprubahan ng Ankara ang expansion.
Nitong Martes ay sinabi ni Niinisto na tiwala siyang makukuha ng Finland at Sweden ang suporta ng Turkey.
Sa Washington, nagpahayag din ng tiwala si State Department Spokesman Ned Price, na hindi haharangin ng Turkey ang pagpasok ng mga ito sa alyansa.
Aniya . . . “We are confident that we will be able to preserve the consensus within the alliance of strong support for a potential application of Finland and Sweden.”
Si Andersson at Niinisto ay nakatakdang makipagpulong kay US President Joe Biden sa Washington sa Huwebes, upang pag-usapan ang kanilang makasaysayang aplikasyon para sumanib sa NATO.