Navotas LGU, nagbigay ng cash allowance sa PWD scholars
Nagsimula nang magbigay ng cash allowance ang pamahalaang lungsod ng Navotas para sa mga Special Education (SPED) students.
Nasa 375 na benepisyaryo ng Person With Disability (PWD) Students Educational Assistance/Scholarship ang makatatanggap ng cash allowance na tig-P 2500 mula Enero hanggang Mayo 2021.
Sa kabuuan, 341 ay mga magaaral mula sa elementarya, 12 sa High School at 22 naman ay kasalukuyang nag-aaral sa Navotas Polytechnic College (NPC).
“Ang School- Year na ito ay hindi naging madali para sa ating mga mag-aaral, lalo na sa mga walang kakayahan. Kami ay umaasa na sa pamamagitan ng educational assistance ay mababawasan ang kanilang intindihin at makakatulong upang sila ay makasabay sa mga pagsubok na dala ng pandemyang ito” pahayag ni Navotas Mayor Toby Tiangco.
Ang mga aplikante ng nasabing programa ay dapat Navoteño o kahit ang isa sa kanilang mga magulang o guardian ay dapat residente at nakarehistrong botante ng lungsod. Sila ay dapat nag-aaral din sa pampublikong paaralan o kahit saang SPED schools sa lungsod.
Kailangan din nilang magpresinta ng PWD identification card na inisyu o validated ng Person’s With Disability Affairs Office (PDAO) at ang kanilang pamilya ay hindi dapat benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps ).
Charlene Tabios