NBI at PNP lumagda na sa kasunduan para sa joint evaluation sa mga anti-illegal drugs operations
Nilagdaan na ng NBI at PNP ang memorandum of agreement (MOA) para sa closer coordination at joint evaluation sa mga operasyon kontra iligal na droga ng pulisya.
Sinaksihan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagpirma sa kasunduan nina PNP Chief Police General Guillermo Eleazar at NBI Officer in-Charge Director Eric Distor.
Ayon sa DOJ, layunin ng MOA na ma-institutionalize ang mga magkatuwang na hakbangin ng dalawang ahensya sa giyera kontra droga sa pamamagitan ng mga inilatag na committments.
Kabilang sa mga committments ay ang:
- Paggarantiya sa integridad at availability ng lahat ng impormasyon, records, at ebidensya na kinakailangan sa imbestigasyon, case build-up, at posibleng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga lumabag na law enforcers.
- Paghahanda ng kumpleto at detalyadong ulat sa lahat ng relevant findings at rekomendasyon para sa pagsusumite sa bawat counterpart na hepe ng ahensya.
- Pagtatalaga ng points of contact at kinatawan para sa madaling koordinasyon; at
- Regular na konsultasyon kada buwan ukol sa implementasyon ng kasunduan.
Una nang nagkasundo ang dalawang ahensya na bumuo ng mekanismo para sa pagsasagawa ng joint probe sa mga kaso ng mga drug war killings.
Ito ay kasunod ng ginawang pagrebyu ng DOJ sa 52 anti-illegal drugs operations ng pulisya na nagresulta sa pagkamatay o pagkasugat ng mga suspek.
Moira Encina