NBI at WPP binibigyan ng seguridad ang pamilya ni Jemboy Baltazar
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla na nasa ilalim ng seguridad ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Witness Protection Program (WPP) ang pamilya ng pinaslang na binatilyong si Jemboy Baltazar.
Nakaharap ng kalihim sa DOJ ang mga magulang at mga kapatid ni Jemboy kasama ang mga kapatid nito.
“We’re asking the NBI to help them, secure them together with certain witness protection personnel. These are the concerted effort that we have to help those in trouble. Ito yung mga kailangan na kailangang ng ating justice system na ma-assure yung tao na pag sila nagdemanda tutulungan sila ng gobyerno at hindi sila iiwan na nakabitin dapat talaga tinutulungan sila ng gobyerno” pahayag ni DOJ Secretary Crispin Remulla
Matatandaan na kinasuhan na sa korte ng murder at ipinaresto na ang mga pulis na idinadawit sa pagpatay sa binatilyo.
Ayon kay Remulla, binigyan nila ng seguridad ang pamilya dahil posibleng lalong pag-initan ang mga ito makaraang kasuhan na sa korte ang mga pulis.
“Persistent talaga ito sa simula pa lang there were already efforts to may maraming gustong lutuin ang kaso na hindi umabot ng murder tapos marami ng pabalik-balik doon at meron pang nawalang testigo may namatay pang testigo kaya mabigat malalim itong problemang ito.” dugtong pa ng Kalihim.
Bukod sa seguridad, pinagkakalooban din aniya nila ang pamilya Baltazar ng tulong pinansyal, pagkain at tirahan.
Ayon pa kay Remulla, maraming hawak na testigo ang DOJ na sapat para makakuha ng conviction sa korte laban sa mga akusado.
Moira Encina