NBI, binigyan ng 1 buwan para magsumite ng report sa umano’y manipulasyon sa presyo at suplay ng baboy at iba pang pagkain
Binigyan ng 30 araw ng DOJ ang NBI para makapagsumite ng paunang report sa itinatakbo ng imbestigasyon nito sa mga nasa likod ng napaulat na manipulasyon sa presyo at suplay ng baboy at iba pang basic foodstuff.
Alinsunod ito sa kautusan na inilabas ni Justice Secretary Menardo Guevarra kay NBI OIC Eric Distor sa harap ng pagtaas ng presyo ng baboy at iba pang pangunahing pagkain.
Aalamin ng NBI ang mga posibleng paglabag sa Price Act at Article 186 o Monopolies and Restraint of Trade sa ilalim ng Revised Penal Code ng mga sinasabing profiteers at hoarders.
Sa oras na makakalap ng sapat na ebidensya sa pagmonopolya sa suplay at presyo ng food commodoties ay maghahain ng kaukulang reklamo ang NBI laban sa mga grupong sangkot.
Kabilang ang DOJ at NBI sa binuong sub-task group on economic intelligence na naatasang habulin ang mga smugglers at iba pa nagsasamantala sa suplay at presyo ng food commodities gaya ng baboy at manok.
Moira Encina