NBI Cybercrime Division kasama na rin sa nag-iimbestiga sa BDO hacking incident
Sinimulan na ng NBI Cybercrime Division ang imbestigasyon sa nangyaring hacking sa ilang accounts ng mga BDO depositors.
Sa panayam ng programang ASPN, inamin ni NBI Cybercrime Division Chief Victor Lorenzo na may sophistication ang hacking ng mga cybercriminals na nasa likod ng insidente.
Gayunman, nagawa aniya ito ng mga hackers dahil nakuha o na-phish rin ng mga ito ang mga personal na impormasyon ng mga biktima sa mga nakaraan bago pa man isakatuparan ang hacking.
Sinabi pa ni Lorenzo na sa ngayon ay patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng NBI sa mga bangkong sangkot para matukoy ang security gap.
Ayon pa sa opisyal, posibleng isang global crime syndicate ang utak sa hacking pero kaya rin ito gawin ng mga local hackers sa Pilipinas.
Naniniwala naman si Lorenzo na walang complete control sa mga servers at security facilities ng mga financial institutions ang mga hackers.
Maaari aniyang may natukoy na gap ang cybercriminals sa security protocols partikular sa mobile banking.
Moira Encina