NBI at DOJ panel of prosecutors, nanindigan sa naunang desisyon na murder ang kaso laban kay Supt. Marcos
Nanindigan ang DOJ panel of prosecutors na kasong murder ang kanilang inirekomenda laban sa grupo ni Supt. Marvin Marcos kaugnay sa pagpatay kay Albuerra, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Sr. Assistant state prosecutor Lilian Doris Alejo, kahit ipaulit sa kanila ang pagsusuri sa lahat ng mga ebidensya at dokumento ng iprinisinta sa kanila kaugnay sa pagpatay kay Espinosa ay kaparehong resolusyon pa rin ang kanilang ilalabas.
Inamin din ni Alejo na hindi naipaalam sa kanila na mayroong petition for review at nalaman na lamang nila ang downgrading ng kaso sa media.
Maging ang National Bureau of Investigation ay naninindigan sa resulta ng kanilang pagsisiyasat na murder ang nangyaring pagpatay kay Espinosa.
Pero iginiit ng PNP-IAS na batay sa kanilang pagsusuri walang direktang ebidensiya na magpapatunay ng conspiracy sa raiding team na sumalakay sa kulangan ni Espinosa.
Katunayan, ayon kay IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, nasa labas ng kulungan si Marcos nang maganap ang pagpatay dahilan kaya pinapanagot sa command responsibility.
Ulat ni: Mean Corvera