NBI hindi na umano makita ang ilan sa mga orihinal na dokumento kaugnay sa anomalya sa Pork barrel fund at DAP
Hindi na raw mahagilap ng NBI ang ilang orihinal na kopya ng mga dokumento kaugnay sa anomalya sa pork barrel fund at sa Disbursement Acceleration Program.
Ito ang inamin ni Justice Secretary Menardo Guevarra kaugnay sa imbestigasyon ng NBI sa nasabing kontrobersya.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na nahihirapan ang NBI sa imbestigasyon nito sa kaso.
Pero naniniwala naman si Guevarra na madadaan sa reconstruction ang mga hinahanap na dokumento.
Una nang inihayag ni Guevarra na bukas ang DOJ kung nais pa rin ni Janet Napoles na ilahad ang mga nalalaman nito sa pork barrel scam kahit wala na ito sa Witness Protection Program.
Handa rin ang kalihim na makipagusap kay Napoles kung wala itong ilalatag na kondisyon sa paghahayag ng impormasyon.
Iniutos ni dating Secretary Vitaliano Aguirre II sa NBI ang imbestigasyon kung sinu-sino pa ang dapat na makasuhan sa anomalya matapos magsumite sa DOJ si PACC Commissioner Greco Belgica ng mga dokumento na nagpapakita raw ng sabwatan nina dating Pangulong Aquino at mga mambabatas sa DA.
Ulat ni Moira Encina