NBI inatasan ng DOJ na makipag ugnayan sa Interpol para maaresto si PO3 Lascañas
Inatasan ng DOJ ang NBI na makipag-ugnayan sa International Police Organization o Interpol para sa pag-aresto sa retiradong pulis na si Arturo Lascañas.
Si Lascañas ay ipinapaaresto ng Davao City Court dahil sa kasong frustrated murder at murder kaugnay sa pagkamatay ng radio broadcaster na si Juan Porras Jun Pala noong 2003.
Ipinag-utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kay NBI Director Dante Gierran na makipag-ugnayan sa Interpol para makakuha ng impormasyon sa kinaroroonan ni Lascañas at sa iba pang otoridad para ito ay maaresto.
Umalis si Lascañas sa bansa patungong Singapore noong April 8 dahil sa pangamba sa kanyang buhay. Isiniwalat ni Lascañas sa pagdinig ng Senado na siya ay miyembro ng Davao Death Squad at siya ang team leader ng grupo.
Una na ring inamin ni Lascañas na nakakatanggap sila ng bayad mula kay Duterte noong Mayor pa ito ng Davao City para sa pagpaslang kay Pala na kritiko nito.
Ulat ni: Moira Encina