NBI inirekomenda sa DOJ ang paglipat kay Kerwin Espinosa sa BJMP facility sa Taguig
Inendorso na ng NBI sa DOJ ang paglipat kay Rolan “Kerwin” Espinosa sa BJMP facility sa Bicutan,Taguig City.
Ito ay kasunod ng tangkang pagtakas ni Espinosa at dalawang iba pa sa NBI Detention Center noong Enero 13.
Ayon kay NBI OIC Director Eric Distor, ang kahilingan ay bilang pagtugon sa security at safety protocols kay Espinosa na testigo sa ilalim ng Witness Protection Program at akusado sa mga kaso ng iligal na droga sa iba’t ibang korte.
Sinabi ni Distor na mas secure ang piitan ng BJMP na akma para sa high profile prisoner gaya ni Espinosa.
Tiniyak naman ng opisyal na hinigpitan na ang mga security measures sa NBI Detention Center at mga paligid nito.
Sa kasalukuyan, may 79 na detainees na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal ang nakapiit sa NBI detention facility.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kailangan ng committment orders mula sa korte para mailipat ng kulungan si Espinosa.
Moira Encina