NBI may dagdag na ebidensya laban sa mga suspek sa Degamo slay– DOJ
Tila hindi umano seryoso at dini-delay ng mga abogado ng mga suspek sa Degamo slay na umusad ang kaso.
Ito ang sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano makaraan na photocopies lang ng salaysay ng pag-urong ang isinumite sa DOJ ng kampo ng tatlong suspek.
Ayon kay Clavano, sa pagdinig ng DOJ sa reklamo noong Lunes ay tanging ang notarized affidavit of recantation ng mga suspek na sina Winrich Isturis at Joric Labrador ang lumalabas na originally signed.
Pero ang recantation nina Eulogio Gonyon Jr.
John Louie Gonyon, at Benjie Rodriguez na isinumite ay hindi originally signed at sa halip ay photocopies lang.
Sinabi ni Clavano na alam naman ng mga abogado na hindi tinatanggap ang photocopies ng mga nasabing dokumento.
Samantala, may karagdagang ebidensya ang NBI na isinumite sa DOJ panel sa hearing kahapon na sumusuporta sa mga naunang testimonya ng mga suspek ukol sa krimen noong March 4.
Kabilang sa mga ito ang mas malinaw na videos at mga larawan bukod sa mga dati nang naisumite na lalo umanong magpapatunay na ang mga suspek ay nasa crime scene.
Dahil dito, muling minaliit ng DOJ ang pagbawi ng mga suspek sa kanilang mga testimonya.
Taliwas ito sa pahayag ng kampo ni Congressman Arnolfo Teves Jr. na magpapahina sa kaso ang recantation ng suspect -witnesses.
Iginiit pa ng departamento na walang “magic” na nagaganap sa paghawak nito ng Degamo case dahil ang mga hakbangin at desisyon nito ay base lamang sa mga ebidensya.
Moira Encina