NBI nagisa dahil sa mahinang aksyon sa mga nakuhang iligal na droga sa warehouse sa Valenzuela
Sinabon ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation sa imbestigasyon sa 6.4B pesos na halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs.
Ito’y dahil sa aniya’y napakahinang imbestigasyon na ginawa matapos ang raid sa warehouse sa Valenzuela kung saan nadiskubre ang 5 crates ng shabu.
Partikular na kinuwestiyon ni Fariñas kung bakit hindi inaresto ng NBI si Chen Ju Long o Richard Tan gayung sa bodega nito nakita ang shabu.
Hindi makapaniwala ang kongresista na basta na lang naniwala ang mga imbestigador sa kwento ni Tan tungkol sa pagiging impormante umano nito.
Hindi rin anya ito natanong tungkol sa kanyang citizenship kung Filipino o Chinese, na kahit passport nito ay hindi sinilip man lang.
Sinilip rin ni Fariñas na pagkatapos ng ilang buwan matapos ang raid ay wala pang naihahaing kaso ang NBI.
Sagot naman ng mga opisyal, isinasapinal pa umano ito.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo