NBI pinasalamatan ang mobile wallet firms para madakip ang grupo na nasa likod ng bank hacking at scam pages
Nagpasalamat ang National Bureau of Investigation(NBI) sa aktibong pakikipagtulungan ng mga mobile wallet companies para sa mabilis na ikadarakip ng mga nambibiktima online.
Partikular na tinukoy ni Victor Lorenzo, hepe ng NBI Cybercrime Division, ang GCash dahil sa malaking tulong nito upang madakip ang grupo na nasa likod ng BDO hacking ar nanloloko rin ng mga user ng digital wallet.
Sa ulat, ang modus ng mga ito ay pagbebenta umano ng scam pages, kabilang ang panggagaya ng GCash webpage upang lokohin ang mga user nito at makakuha ng sensitibong data.
Ayon kay Lorenzo, malaking bagay ang suporta ng mobile wallet companies gaya ng GCash para masigurong protektado ang kanilang customers laban sa cyber criminals.
Lalo na aniya ngayon na karamihan ay digital na ang mga transaksyon.
Sa panig naman ng kumpanya, nagpasalamat si Ingrid Berona, GCash Chief Risk Officer, sa mabilis na pag aksyon ng NBI.
Nagpaalala naman ang kumpanya sa kanilang customers na maging mapagmatyag laban sa phishing messages o mga kahina hinalang tawag na layong makapangbiktima.
Hindi rin umano dapat na ibigay kahit kanino ang kanilang MPIN at one time password o OTP.
Madelyn Moratillo