NBI, tiniyak na magiging patas sa paghawak sa reklamong Cyber Libel laban kay Maria Ressa
Tiniyak ni National Bureau of Investigation o NBI Office of Cybercrime division Chief Manuel Eduarte na magiging patas sila sa imbestigasyon sa reklamong Cyber Libel laban kay Rappler CEO Maria Ressa.
Sa harap ito ng pahayag ni Ressa na may pattern ng panggigipit at pag-atake sa press freedom dahil sa pagkansela ng Securities and Exchange Commission o SEC sa Certificate of Incorporation ng Rappler at sa isinampang reklamo sa kaniya ng NBI.
Iginiit ni Eduarte na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho at mandato na mag-imbestiga kapag mayroong reklamong idinulog sa kanila.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi siya kasangkapan para sikilin ang kalayaan sa pamamahayag.
Ayon pa sa NBI Cybercrime chief, iba at malayo ang cybercrime case ni Ressa kaysa sa isyu ng paglabag ng Rappler sa foreign ownership sa Saligang Batas.
Bago pa man aniya ilabas ng SEC ang desisyon nito na nagpapasara sa Rappler ay nagpalabas na nong Enero 10 ang NBI office of cybercrime ng subpoena kay Ressa kaugnay sa online libel complaint dito.
Una nang sinabi ni Ressa na walang itinatago ang Rappler at umaasa siya na masusunod ang due process.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===