NBN-ZTE deal whistleblower Jun Lozada, posibleng ipiit na sa Bilibid sa susunod na linggo
Nag-return of warrant na ang NBI-Special Action Unit nitong Biyernes sa Sandiganbayan matapos na sumuko sa kawanihan si Rodolfo Noel “Jun” Lozada at ang kapatid nito na si Jose Orlando.
Ang magkapatid ay una nang hinatulang guilty ng Sandiganbayan Fourth Division sa kasong katiwalian kaugnay sa land deal sa Philippine Forest Corporation.
Inisyu ng anti-graft court ang arrest warrant sa mga Lozada makaraang pagtibayin ng Korte Suprema ang ruling nito.
Ayon kay NBI- Special Action Unit Executive Officer Kristine Dela Cruz, posibleng sa susunod na linggo ay lumabas na ang committment order ng Sandiganbayan para dalhin sa New Bilibid Prisons ang dalawa.
Pero, habang wala pang utos mula sa hukuman ay mananatili muna sa detention center ng NBI ang magkapatid na Lozada.
Si Jun Lozada ang star witness sa maanomalyang NBN-ZTE deal at nagdiin kina dating Pangulong Gloria Arroyo at asawang Jose Miguel Arroyo na umano’y mga mastermind sa likod nito.
Hindi naiwasang mapaluha ni Lozada nang makapanayam ng NET25/ Radyo Agila dahil sa mga pangyayari.
Gayunman, sinabi ni Lozada na tanggap na niya ang kanyang sinapit at naihanda na rin ang kanyang sarili.
Iginiit ni Lozada na na-politika lang siya kaya siya hinabol sa ibang kaso at dinamay pa ang kanyang kapatid.
Nanindigan si Lozada na nagsabi siya ng katotohanan at wala siya dapat na ikahiya.
Anim na taon hanggang 10 taon na pagkakakulong sa Bilibid ang ipinataw ng korte laban kina Lozada.
Umapela naman si Lozada na isang IT expert sa incoming Marcos Administration na maituloy at magawa na nang tama ang naunsiyaming national broadband deal dahil mabuti ang layunin nito at panahon na para ito maisakatuparan.
Moira Encina