NBOC ng Kongreso, pinasimulan na ang canvassing ng mga COC’s at ER’s para maiproklama ang nanalong Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa
Pasado alas diyes ng umaga ng mag-convened ang dalawang kapulungan ng kongreso para sa joint public session bilang National Board of Canvassers o NBOC na pinangunahan nina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Lord Allan Velasco.
Nagkaroon ng ceremonial opening ng Certificate of Canvass o COC at Election Return o ER na nagmula sa absentee overseas voting sa bansang Cambodia.
Gamit ng NBOC ang Consolidation Cavanssing System o CCS machine kung saan dito papasok ang lahat ng mga electronically transmitted na COC’s na itutugma sa manually counted at physically delivered COC’s.
Tinatayang nasa 173 na COC’s mula sa overseas at ibat-ibang panig ng bansa ang ika-canvass ng NBOC sa loob ng plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Batasan Complex sa Quezon City.
Ang seven members Senate contingent ay pinamumunuan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at ang seven members House contingent naman ay pinamumunuan ni House Majority Leader Martin Romualdez at may tig-aapat na alternate members ang dalawang kapulungan na sila ang itinalagang joint committee ng NBOC na magbibilang ng boto para sa nanalong Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Sa sandaling matapos ng joint committee ng Senado at Mababang Kapulungan ang canvassing ay muling mag-kuconvene ang joint public session ng Kongreso para isumite ang kanilang canvassing report sa nanalong Pangulo at Pangalawang Pangulo na pagtitibayin sa plenaryo kasabay ng proclamation resolution.
Batay sa napagtibay na rules ng joint committee ng NBOC pagkatapos na maaprubahan ang canvassing report at proclamation resolution ay isasagawa na ang formal proclamation sa bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa.
Vic Somintac