NCR at iba pang Alert level 1 areas, hindi nakitaan ng pagtaas ng COVID-19 cases – DOH
Isang linggo matapos ibaba sa Alert level 1 ang Metro Manila at 38 iba pang lugar sa bansa, sinabi ng Department of Health na wala pa silang nakitang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID- 19.
At dahil kasabay ng Alert level 1 ang paglabas ng mas maraming tao, ayon kay Health Usec Ma. Rosario Vergeire, mahigpit ang monitoring na ginagawa ng pamahalaan para masigurong mananatiling mataas ang pagsunod ng publiko sa minimum public health standards.
Sa datos ng DOH, mula Marso 1 hanggang 7, may 6,297 bagong kaso ng COVID- 19 ang kanilang naitala kung saan ang average na bagong kaso kada araw ay nasa 899.
Ayon sa DOH, mas mababa ito ng 3% kung ikukumpara sa mga naitalang kaso mula Pebrero 22 hanggang 28.
Para naman masiguro ang proteksyon ng lahat sa virus, ayon kay Vergeire, mas pinaigting ng gobyerno ang vaccination drive nito kontra COVID-19.
Ngayong araw muling magsasagawa ng tatlong araw na Bayanihan Bakunahan ang gobyerno.
Ayon kay Vergeire, sa pagkakataong ito ay magiging prayoridad nila ang mga remote areas na may mababang vaccination coverage.
Kasama na aniya rito ang mga indigenous people at mga nakatira sa geographically isolated and disadvantaged areas.
Mas inilalapit na rin aniya nila ang bakunahan sa publiko kung saan ang mga vaccination site ay ginawa nilang mas accessible.
Para naman sa mga senior citizen na hindi makaalis ng bahay, may house to house vaccination na rin para sa kanila.
Para sa ika-apat na bugso ng Bayanihan Bakunahan, 1.8 milyong indibidwal ang target mabakunahan ng gobyerno.
Sa datos ng DOH, kabilang sa mga rehiyon na may mababang vaccination rate ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Socksargen, Central Visayas, Mimaropa, at Caraga.
Vaccine hesitancy parin ang nakikita nilang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng nagpapabakuna sa mga nasabing lugar.
Tiniyak naman ng DOH na pinag-aaralan na nila ang iba pang mga paraan o strategy para mas mahikayat ang mga hindi pa bakunado na magpaturok na kontra Covid-19.
Muli ring tiniyak ng DOH na ligtas at epektibo ang mga bakunang ginagamit sa bansa.
Madz Moratillo