NCR at karatig lalawigan mananatili sa alert level 3 mula January 16-31 – Malakanyang
Sa kabila ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa omicron variant mananatili sa alert level 3 ang National Capital Region o NCR kasama ang karatig lalawigan simula sa January 16 hanggang January 31.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na pinanatili sa alert level 3 ang Metro Manila kasama ang Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal kahit mataas ang 2 week positivity rate, daily attack rate ng COVID-19 dahil nanatiling manageable ang hospital bed utilization na mababa sa 70 percent occupancy.
Ayon kay Nograles mananatili din ang mga guidelines na inilabas ng Inter Agency Task Force o IATF sa ilalim ng alert level 3 na 30 percent indoor capacity at 50 percent outdoor venue capacity basta fully vaccinated.
Inihayag ni Nograles na sa ilalim ng alert level 3 suportado ng Malakanyang ang mga hakbang ng mga Local Government Units o LGUS at ahensiya ng pamahalaan na ilimita ang galaw ng mga wala pang bakuna kontra COVID-19 kasama ang no vaccine no ride policy sa mga public transportation.
Nauna rito mahigpit na isinulong ng business community sa IATF ang pagpapanatili sa alert level 3 sa Metro Manila at karatig lalawigan upang hindi tuluyang malumpo ang ekonomiya ng bansa.
Vic Somintac