NCR, CALABARZON, Cebu at Davao city, makikinabang sa bagong dating na 362,700 doses ng Pfizer vaccine
Ipamamahagi sa National Capital Region, Region 4A o CALABARZON at iba pang lugar na may mataas na kaso ng Covid-19 ang mga bagong dating na Pfizer vaccine.
Kagabi dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang nasa 262,080 doses ng bakuna lulan ng Air Hongkong flight LD456 at kagaad dinala sa PharmaServ Express cold-chain storage facility sa Marikina City.
Habang ang nasa tig-50,310 doses ng bakuna ay direktang dinala na sa Cebu city at Davao city.
Sinabi ni Assistant Secretary Wilben Mayor, pinuno ng National Task Force Against Covid-19 (NTF) sub-task force on current operations, dinadala na kaagad ang mga bakuna sa mga lugar at nagkakaroon na agad ng pagbabakuna.
Pero depende ito sa kakayanan ng lokal ng pamahalaan lalu na’t ang Pfizer vaccine ay nangangailangan ng -80 degree celsius hanggang -60 degree celsius na temperatura.
Sa ngayon, ang bansa ay nakatanggap na ng nasa 2,472,210 doses ng Pfizer na binili ng pamahalaan at 2,479,239 doses naman na donasyon sa pamamagitan ng COVAX facility.
Matatandaang binigyan na ng full approval ng US Food and Drugs Administration ang Pfizer-BioNTech para sa pagbabakuna ng nasa 16-anyos pataas.