NCR, ibinalik sa GCQ with Heightened Restrictions; Travel ban sa Malaysia at Thailand, ipatutupad na rin dahil sa Delta variant cases
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na ibalik sa General Community Quarantine o GCQ with Heightened restrictions ang National Capital Region o Metro Manila para makontrol ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na epektibo ngayong July 23 hanggang July 31 nasa GCQ with heightened restrictions ang NCR kasama ang mga lalawigan ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, Davao de Oro at Davao del Norte.
Ayon kay Roque, pinagtibay din ng Pangulo ang kahilingan na isama na sa travel restriction ng Pilipinas ang Malaysia at Thailand dahil din sa malalang kaso ng Delta variant ng COVID 19 simula sa July 25 hanggang July 31.
Inihayag ni Roque dahil nasa GCQ with heightened restrictions ang NCR ay bawal muling lumabas ang mga menor de edad o mga nasa 5 hanggang 17 taong gulang batay na rin sa naunang rekomendasyon ng mga Metro Manila Mayors para makaiwas sa Delta variant dahil ang naturang mga edad ay hindi pa nababakunahan kontra sa Coronavirus.
Vic Somintac