NCR makakakuha ng pinakamalaking alokasyon ng Covid-19 vaccine ng Astrazeneca at Pfizer
Ang National Capital Region ang makakakuha ng pinakamalaking alokasyon ng COVID 19 vaccine ng Astrazeneca at Pfizer.
Matatandaang, dumating sa bansa nitong weekend ang 2 milyong doses ng Astrazeneca vaccines habang ngayong araw inaasahang darating ang 193,000 doses ng Pfizer vaccines.
Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, maliban sa NCR tatanggap rin ng pinakamalaking alokasyon ng Astrazeneca vaccines ang Regions 3 at 4-A.
Una rito inanunsyo ng DOH ang muling pagpapatuloy ng paggamit sa bakuna ng Astrazeneca sa Vaccination program ng gobyerno para sa mga nasa edad 59 pababa.
Ito ay kasunod na rin ng naging rekumendasyon ng mga eksperto sa bansa matapos ang kanilang ginawang pag-aaral sa mga ulat ng blood clotting incident sa ilang nabakunahan nito sa Europa.
Hanggang ngayon, wala par in umanong naitalang kaparehong insidente dito sa bansa.
Samantala, ayon sa DOH, maliban sa NCR tatanggap rin ng alokasyon ng Pfizer vaccines ang Cebu at Davao.
Naging batayan aniya nila sa pagpili ng LGU na tatanggap ng nasabing bakuna ay ang kakayahan ng mga ito na makapag-store ng sensitibong bakuna na nangangailangan ng ultra low freezers.
Sa ginawang simulation exercise noon nasubukan rin aniya ang kakayahan ng mga ito sa paghandle ng ganitong uri ng bakuna.
Giit ni Vergeire. iniiwasan lamang nila na magkaroon ng wastage ng bakuna.
Madz Moratillo