NCR, mananatili sa alert level 3 – Metro mayors
Walang nakikitang batayan ang mga alkalde sa Metro manila para itaas sa alert level 4 ang National Capital Region.
Sa kabila ito ng mas mataas na kaso ng nahahawahan ng COVID-19 sa Metro manila .
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos , napagdesisyunan sa meeting ng mga alkalde na panatilihin sa alert level 3 ang kasalukuyang status dahil sa mababang hospitalization rate.
Mismong ang DOH, aniya ang nagsabing mababa ang kaso ng mga nagpapaospital at nasa ICU bukod pa sa halos 100 percent na ng mga taga Metro manila ang may bakuna.
Mayorya sa mga kaso ng nahahawa, mild lang ang sintomas at kailangan lang mag-isolate sa bahay.
Bukod dito, batay sa kanilang monitoring , mismong mga residente ng Metro manila nilimitahan na rin ang paglabas.
May ginagawa naman aniyang hakbang para pigilan ang pagkalat ng sakit tulad ng hindi pagpapalabas sa mga hindi bakunado.
Kaya sa mga nagpapakalat ng fake news na humihikayat sa publiko na mag-imbak ng pagkain dahil sa ipatutupad na lockdown.
Babala ni Abalos tutugisin sila at kakasuhan ng NBI.
Sa ngayon hindi pa rin irerekomenda ng mga alkalde ang paggamit ng faceshield kung may nararamdaman namang sintomas mas mabuting mag-isolate at wag munang lumabas ng bahay.
Meanne Corvera