NEA at electric cooperatives, nagtutulungan para matiyak ang matatag na suplay ng kuryente para sa 2022 elections

Photo: Official FB page of NEA

Inihayag ng National Electrification Administration (NEA), na nakikipagtulungan ito sa 121 electric cooperatives (ECs) sa buong bansa para matiyak ang matatag na suplay ng kuryente sa panahon ng halalan sa susunod na linggo.

Sinabi ng NEA na “all set” na ang kanilang task force at ang power distributors para sa May 9 elections.

Sa Mayo a-singko ay sisimulan na ng ECs ang kanilang 24-oras na power situation monitoring hanggang sa Mayo 12 o sa pagtatapos ng vote canvassing at deklarasyon ng mga nanalo.

Ayon sa ahensiya . . . “With or without power interruptions, the ECs are to submit reports to the respective NEA Power Task Force Election 2022 power situation monitoring teams twice daily.”

Mahalaga ang matatag na suplay ng kuryente para sa automated polls, na gagamit ng vote counting machines na siyang magpoproseso sa mga balota. Kailangan din ng tuloy-tuloy na kuryente para nasa oras ang pagta-transmit ng impormasyon.

Ang NEA, kasama ng energy department, National Power Corp. at iba pang mga ahensiya, ay inaatasang tiyakin na magkakaroon ng sapat at tuloy-tuloy na electrical, power supply, at i-secure ang transmission facilities sa panahon ng kritikal na eleksiyon, batay sa Commission on Elections (Comelec) Resolution 10743, na may petsang Dec. 16, 2021. 

Sa hiwalay na pahayag nitong Martes, nanawagan ang consumer welfare group na Kuryente.org sa gobyerno at grid operator na tiyaking walang brownout sa May 2022 elections, kung saan sinabi ng national coordinator nitong si Nic Satur, Jr. na ang hindi maaasahang suplay ng kuryente ay sisira sa integridad ng halalan.

Noong isang linggo, muling nagbabala ang Manila-based policy group na Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), na maaaring magkaroon ng power interruptions habang at pagkatapos ng eleksiyon dahil ang baseload coal-run power plants ay patuloy na nagkakaroon ng mga hindi planadong shutdown. 

Nanindigan ito sa naunang pananaw na magkakaroon ng tight power supply sa ikalawang quarter, at ang Luzon power grid ay maaaring makaranas ng red alert status- na maaaring magdulot ng rotating power outages.

Sinabi ng ICSC na ang ilang mga coal power plant ay hindi sumusunod sa Grid Operating Maintenance Program (GOMP), na naglalaman ng mga iskedyul sa mga nakaplano at maintenance outage ng mga power generation facility.

Ayon sa grupo, lumilitaw sa datos na nakolekta ng ICSC na ang 12 sa 23 coal plants sa Luzon ay nakaranas ng outages pagkatapos ng March 25, at apat na coal plants naman ang lumampas sa outage limit, o sobra sa yearly cap na itinakda ng Energy Regulatory Commission.

Sa isang briefing noong isang buwan, sinabi ni Department of Energy (DOE) Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan, na hindi nila inaasahang makararanas ng yellow alerts- na nangangahulugan na manipis na ang reserba- ang Luzon at Mindanao grids sa panahon ng eleksiyon.

Gayunman aniya, ang Visayas grid ay maaaring makaranas ng yellow alerts sa kaniyang afternoon peak performance sa kaparehong araw.

Sa Mayo a-nueve, tinatayang 67.5 milyong mga Pinoy ang magtutungo sa mga polling center sa buong bansa para bumoto.

Please follow and like us: