Negosasyon sa pagbili ng anti-Covid 19 vaccine, tatapusin ngayong buwan- Sec. Galvez
Pipilitin ng Pilipinas na maisara ngayong buwan ng Enero ang lahat ng negosasyon sa mga manufacturers para sa bibilhing bakuna laban sa COVID 19.
Sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na nasa advance stage na ang lahat ng negosasyon sa mga pharmaceutical companies na pagbibilhan ng anti COVID 19 vaccine.
Ayon kay Galvez pitong pharmaceuticals ang kausap ng bansa sa pamamagitan ng bilateral government to government negotiation.
Ang mga ito ay ang Novavax, AstraZeneca, Pfizer, Johnsons and Johnsons, Sinovac, Sinopharm at Gamaleya.
Inihayag ni Galvez sa sandaling maisara ang lahat ng negosasyon makakakuha ang Pilipinas ng 148 milyong doses ng anti COVID 19 vaccine na gagamitin sa 70 milyong pilipino ngayong taon.
Niliwanag ni Galvez na nakadepende parin sa supply ang availability ng bakuna dahil 80 percent ng naproduced na anti COVD 19 vaccine ay nasa kamay na ng mga mayayamang bansa.
Vic Somintac