Negosyante na si Wilfredo Keng, iniurong ang pangalawang cyberlibel case laban kay Maria Ressa
Ibinasura ng Makati City Regional Trial Court ang ikalawang cyberlibel case ng negosyanteng si Wilfredo Keng laban kay Rappler CEO Maria Ressa.
Ito ay matapos maghain ng manifestation with motion ang kampo ni Keng sa korte na humihiling na mabasura na ang sibil at kriminal na aspeto ng kaso, at huwag na siyang lumahok sa kaso.
Kaugnay nito, iniutos din ni Makati City Regional RTC Branch 148 Judge Andres Soriano na ibalik sa akusadong si Ressa ang inilagak na piyansa nito noong Nobyembre 2020 na Php24,000.
Nakasaad sa mosyon ni Keng na nagpasya itong ituon ang kanyang atensyon sa pagtulong ngayong pandemya kaysa maging abala sa nasabing kaso.
Sinabi pa ng complainant na “vindicated” na ito sa unang cyberlibel case na isinampa niya kay Ressa kung saan hinatulang guilty ng Manila RTC ang mamamahayag.
Ang ikalawang kaso ng cyberlibel ay nag-ugat sa pag-post ni Ressa sa kanyang Twitter ng screenshot ng artikulo noong 2002 na nagsasangkot kay Kent sa pag-ambush kay dating Manila councilor Chika Go.
Ikinatuwa naman ni Ressa ang pagkaka-dismiss sa kaso.
Umaasa si Ressa na ang iba pang kaso laban sa kanya at sa Rappler ay mababasura rin sa hinaharap.
Moira Encina