Negosyanteng si Wilfredo Keng, kinastigo si Maria Ressa sa pagpapakalat ng balitang ibinasura ng NBI ang reklamo niyang cyberlibel laban dito

Umalma ang negosyanteng si Wilfredo Keng sa pagpapakalat ni Maria Ressa ng balitang ibinasura ng NBI ang reklamong cyberlibel na inihain niya laban dito at sa Rappler.

Sa isang press statement, sinabi ni Keng na nililinlang ng kampo nina Ressa ang publiko sa paglalabas at pagpapakalat nito ng nasabing ulat na isa anyang fake news.

Iginiit ni Keng na alam na alam ni Ressa na ang NBI pa mismo ang nagsampa ng reklamo laban dito sa DOJ na nagsagawa ng preliminary investigation at nang makitaan ng probable cause ang reklamo ay tuluyang isinampa ang kaso sa korte.

Ayon sa negosyante, patuloy na iniuulat ng iba pang mga news outfits ang anya’y inaccurate at reckless na pahayag ni Ressa kaya ang lumalaganap na balita ay ang maling bersyon ng istorya.

Tinawag pa ni Keng na malisyoso at cyberbullying ang ginagawa nina Ressa na premature at maling pagbabalita ng mga opisyal na government processes ukol sa pagsasampa ng kaso.

Naniniwala si Keng na ang kaso niya laban kina Ressa ay test case laban sa dangerous precedent nina Ressa na isa anyang mapangahas at iresponsableng miyembro ng media.

Kung hindi anya mapapanagot si Ressa at ang Rappler sa halimbawa nito ng impunity ay gagayahin ang mga ito ng iba pa na hindi lamang wawasak sa buhay ng mga indibidwal kundi ng buong bansa.

Nanindigan si Keng na hindi kinuha ng Rappler ang panig niya nang ilathata ang mapanirang artikulo laban sa kanya at bagamat ipinangako ng mga ito sa kanya na tatanggalin ang ulat sa news site nito ay hindi ito ginawa nina Ressa.

Kasabay nito, hinimok ng negosyante ang iba pang biktima ng cyberbullying at cyberlibel na magsalita at maghain ng kaso.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *