Negosyanteng si Wilfredo Keng pinag-aaralan na sampahan ng iba pang mga kaso si Maria Ressa at ang Rappler

Plano ng negosyanteng si Wilfredo Keng na sampahan ng iba pang mga kaso si Maria Ressa at ang Rappler.

Si Keng ang naghain ng kasong cyberlibel sa korte laban kay Ressa, kolumnistang si Reynaldo Santos Jr at sa Rappler.

Sa isang pahayag, tiniyak ni Keng na ipagpapatuloy niya ang isinampang kaso laban kay Ressa at sa Rappler.

Sa ngayon anya ay pinag-aaralan ng kanyang kampo ang iba pang kaso na maaring ihain laban sa mamamahayag at sa online news site.

Sinabi ni Keng na batid niya na makapangyarihan ang kalaban niya at may posibilidad na matalo siya.

Ito ay dahil sa suportado anya si Ressa ng mga politiko, foreign at international organization na kapag pinagsama-sama ang makinarya ay nagsisilbing kritiko, hukom at taga-impluwensya sa isyu.

Itinanggi ng negosyante na siya ay ginagamit ng pamahalaan para labanan si Ressa na kritiko ng administrasyong Duterte.

Karapatan anya bilang mamamayan na magsampa ng kaso laban kina Ressa dahil sa mapanirang artikulo na inilathala ng Rappler laban sa kanya.

Umapela pa si Keng sa mga mambabatas na kumukondena sa pag-aresto kay Ressa na irespeto ang anti-cybercrime law na sila mismo ang umakda.

Hinimok din ng negosyante ang publiko na maging mapagmatyag at aralin ang tunay na isyu.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *